Proyekto Siyento

Proyekto Siyento: 100 araw, 100 tula: Buwan ng Tula 2014

Kamakailan ay binabasa ko ang pangunahing kalipunan ni Teodoro T. Antonio na Tilad na Dalit: Mga Piling Tula: 1973-1999.  Ang unang tulang bubungad ay ang “Sa Harap ng Makinilya”, na may pangunahing pamomroblematika hinggil sa paglikha: may ganap nga ba itong ahensiya, o kakayahang tumugon sa mga bagay na maaaring pumukaw o bumagabag dito?

Kung ganito ang naging tanong, nasaan ngayon ang makata?  Sa tulang ito, tinatangka ng persona na ipakita ang kaisahan ng makata at ng tula—ang pagiging kapwa málay nila habang may mga mga “batang nilamon ng dilim” na kailangang gunitain gamit ang mga letra.  Kamamanghaan ang ganitong pagdidili sa tula, at sa makatang sumusulat, nag-aanyo rito.  Walang pagkakabukod, dahil sa mula’t mula, ang pangunahing imahen ng tula ay ang makinilyang “parang bangkay”, “di maitipa ang mga letrang gugunita/ sa mga batang nilamon ng dilim/ sa paghahanap ng liwanag.”  Sa pahiwatig pa lamang na ito’y makikitang bagaman hindi natin malas ang presensiya ng makata, naroroon ito, tumataya sa kakayahan ng kaniyang sining, at sinasabi’t inilalalarawan pa nga na “matalim na karbon ang kahapon:/ tumatarak sa duguang papel/ ng kasalukuyan.”  Siya mismo ang nagpapakilos sa tula, na ang sinekdoke ay ang makinilya, na tunay namang “mekanismo” ng pagsulat.

Ano nga ba talaga ang nangyayari sa tulang ito?  Malinaw na itinatanghal ng persona ang isang malikhaing engkuwentro ng isang makata, at ng panahon ng pagsulat.  Nagtatanghal din ng pagninilay ang persona sa kaniyang paghahanay ng mahahalagang alalahanin bilang isang saksi sa daigdig.  Sa kaniyang mga retorikong tanong na “Saan natin makakabangga/ ang di matatakasang wakas?” at “Ang buhay ba’y simula lamang ng simula/ na nagwawakas sa isa ring simula?”, mahihiwatigan natin ang mithi ng persona (na makata) na makalikha ng mga resolusyon sa kaniyang mga namamalas na mga kaguluhan at kalituhan sa daigdig.  Ang pagsusulat ay isang hakbang patungo sa kakalasan.  Ang makata ay tumutula dahil kailangan niyang bigyang-anyo ang mga hinagap na kadalasan ay nagtutulak sa kaniya na higit na titigan ang mga danas at hanapan ng kaganapan upang magkaroon ng buong saysay.  Sa mga susunod na taludtod, higit na pangangaralan ng personang makata ang sarili hinggil sa mga katotohanang kailangang tanggapin, tulad ng “tayo’y laging nagsisimula,/ tayo’y laging nagwawakas.”  At, kasama na rito, “tayo’y nakikitalad,/ laging nasusugatan.”

Ang tulang binabasa natin ngayon ay isang tula ng pagninilay hinggil sa tula, at tungkulin ng makata.  Kadalasan, tinatawag natin ang mga tulang tulad nito na ars poetica (literal na “sining ng tula”), o mga tulang hinggil sa tula o pagtula.  Ang mga tulang ganito’y madalas na tumutukoy sa malikhaing prinsipyo ng makata, at sa pagkatula, kaya nga matatawag ding metakritikal sapagkat nagsusuri ng sarili.  Ang mga tulang ganito ay mga pagkakataon ng pagninilay sapagkat sa halip na tumanaw sa daigdig sa labas, pinipili ng makata na masdan ang panloob na mga proseso ng paglikha, at katuturan ng tula.  Si Archibald Macleish, may isang tulang pinamagatang “Ars Poetica”, na nagsasabing ang “a poem must not mean/ but be.”  Maalingawngaw na noon pa man ang tinurang ito ni Macleish, isang makapangyarihang prinsipyo na nagpapaganap sa pagkamatulain bilang isang kasangkapan ng pahiwatig.

Halos ganito rin ang ginagawa ng “Sa Harap ng Makinilya” ni Antonio; lamang, ginagawa ng persona ang pagninilay na ito hinggil sa paglikha sa tulak ng tila krisis panlipunan na nasasaksihan at nararanasan.  Hindi lamang ito tungkol sa pakiramdam ng daliri sa pagpisil sa isang lumang barya, pagsilip sa isang nilulumot na durungawan, o pagtingala sa buwan.  Giit pa ng personang-makata, “Hindi pamahiin ang bumulaga,/ sa ating ulunan./ Hindi kapalaran ang nagpatigas/ sa ating loob.”  Maraming ars poetica ang tumutugon sa pukaw ng katotohanan at kagandahan, ngunit bumabaling ang persona ni Antonio sa mahahalagang tungkuling kailangang upuan upang maisulat, maimakinilya.

Ikaw, ako o sinuman
lagi’t laging may pananagutan,
lagi’t laging may tungkulin,
lagi’t laging may pagkakamali,
lagi’t laging may pagtutuwid,
lagi’t laging may suliranin,
lagi’t laging may pag-aalinlangan,

lagi’t laging may pangamba.

Maalingawngaw ang anaporikong pahayag (ang mga pag-uulit ng praseng “lagi’t laging may…”) na ito, mga tungkulin at bagabag na pinagsama sa isang mahabang pangungusap na tumitigil lamang kapag dumarako sa katapusan ng linya at pagpapahimpil ng kuwit.  Ano ang naiisip na gawin ng persona sa harap ng mga ganitong mga pangangaligkig, at sa panahong “ang iba’y sumusuko./ Ang iba’y tumatakas./ Ang iba’y naninindigan” ?  Pag-amin ang tugon ng persona, pag-amin na ganap na pagyakap din sa banal na gawain: “Aminin na nating kailangang humarap/ sa tungkulin at pananagutan.”  Minsan, kayhirap sa makata ang humarap sa mga tungkulin—lalo’t may layaw siyang manahimik na lamang at maging mapayapa.  Sa panahon ng krisis, mas madaling piliin ang pananahimik sapagkat dala nito ang ibayong kaligtasan.  Mas madaling magpagapi sa takot kaysa kumilos laban sa paglamon ng dilim.  Sa ulunan pa lamang ng tula, ganap na ang pahiwatig ng “dilim”, na kung mamasdan ang petsa ng pagkakasulat/pagkakalathala ay higit na nagkakaroon ng saysay: 1973.  Isang panahon ng karimlan at ibayong pananahimik dahil sa balasik ng Batas Militar.

Isa pa, “mahirap kausapin ang makinilya.”  Kailangan ng makata na dalhin sa kaniyang paglikha ang bawat tamis-pait ng kaniyang danas, ng kaniyang mga nakikita.  Kailangan niyang harapin ang mga ito habang hinaharap ang trabaho ng paglikha.  Niluma’t kinakalawang na ang makinilya ngunit nananatili itong makapangyarihang imahen, isang altar pa nga, ng paglikha.  Mahirap lumikha mula sa guho ng daigdig.  Mahirap titigan ang dahas, kamatayan.  Kung nakapagpapatahimik ang takot, higit na nakapagpapatikom ang pagkakaapi, pagkakasantabi, pagkakasiil.  Ngunit, para sa personang-makata “kailangang humarap/ sa tungkulin at pananagutan.”

Sa huling bahagi ng tula nagaganap ang isang katangi-tanging personipikasyon.  Mula sa pagiging bangkay, “Ilang sandali pa, siya na ang mangingibabaw.”  Mahalaga ang pangngalang panghalip dito sapagkat ito ang ultimong pagdadamit ng kaakuhan, at ng kaisahan ng makata at ng mekanismo ng pagsulat.  Bagaman ang “siya” na ito na nga ang nangingibabaw, hindi maaaring sabihin na ganap ang pananalig ng persona (na makata nga) sa diwa ng inspirasyon at Musa (parang wala rin sa panahon ang ganitong pihit ng guni-guni).  Nagsanib na ang makata at ang makina (paumanhin sa parunggit kay Rio Alma), habang “Siya na ang magtatakdang/ isang tuldok ang buhay,/ isang tandang pananong,/ isang kuwit sa pagitan ng letra.”  Habang “Ang itim at pulang ribon,/ ay mahabang ikit ng daigdig,” ang pagsasanib ng diwa ng makata at makina ay naghuhunos bilang “aserong kamay ng makinilya/ na nagwawasak ng tahimik na sandali.”

Sa papaanong paraan?  Lohiko ang imahen ng pagbuo at pagtatatak ng mga titik, ngunit higit na umiigting ang kilos lalo’t “hinugot” ang mga ito mula sa “puso, utak at budhi.”  Ang sandali rito’y maaaring mababanaagang tumutugon sa lirikong sandali, sa sandali ng matulaing pagninilay patungo sa isang kislap-diwa; ngunit may dilim din sa sandaling tinutukoy.  Kung kaya’t hindi lamang nilay ang itatatak ng salita bagkus “mga salitang nang-uusig,/ salitang nagsusuri, salitang nagtatanong,” pawang mga pandiwa ng ahensiya at tungkulin.  Para sa lahat ang tungkuling ito ng panunuri, pag-usig, pagtatanong, “na maging ikaw, sila at ako/ ay maghahanap ng isasagot.”  Para sa tinig sa tula, ang tula ay laging nasasangkot sa mga ito, at hindi lamang pagdiriwang ng maririkit na sandali.  Lalong nagiging mahalaga ang tula kapag napahahalagahan nito ang pakikisangkot.

Abril 5, 2014

Proyekto Siyento: 100 Araw, 100 Tula: Oyayi

Sa UP Diksyonaryong Filipino (2010), ang tala ng madalas gamiting salita na “oyayi” ay ito:

o-ya-yi pang Lit Mus: awit pampatulog ng bata o sanggol var uyayi.

Mayroon itong iba pang katawagan sa Filipinas: adiyadi, alo, aloy, ambay, arulyo, bombo-man, buwabuwa, duayya, emaga, hele, hili, holoholo, horlohorlo, huluna, laylay, lullaby, tami, tareran, tumayla, ugoy-ugoy, wiguwi.

Nakagawian nang gamitin sa mga sulatin ang “oyayi” ngunit isang nakamamanghang tuklas ang sari-sari nating katawagan sa “pampatulog ng bata” na ito.  Lahat ay may katangiang nakapagpapapanatag dahil sa ritmo mismo at bigkas na tila isinasakatawan ang pag-alo, paghele.  Kinestetikong halos lahat ng mga salitang ito, at mayroon ding katangiang awditoryo sapagkat bahagi nga ng pagpapatulog ang “pag-awit” sa bata.  Sa antolohiya ni Damiana Eugenio, ang mga natipong “lullabies” ay karaniwang nalalakipan ng areglo bilang gabay sa pag-awit o pagtugtog.  Samantalang ikinakategorya ang oyayi bilang “non-narrative folksongs” ni Eugenio, minamahalaga ito sa panulaan bilang unang anyo ng tula na nagpapakilala sa bata, hindi lamang ng musika ng katutubong wika at pahayag, kundi pati na rin ng likas na harayang nag-aanyo rito.

Para ngang may kamalian din ang sinasabing pagiging “non-narrative” ng mga awiting ito.  Masdan halimbawa ang Tagalog na “Meme na bunso ko,” na bagaman nakasandig sa ulit-ulit na hikayat sa pagpapatulog sa bata–na siyang pangunahing katangian ng oyayi–makikitang may paglalahad naman ito hinggil sa uri ng pamilyang pinamumuhatan ng bata:

Meme na bunso ko
Ang tatay mo’y wala rito
Nagpunta sa ibayo
Bumili ng puto
Ipakakain sa iyo.

Matulog ka na bunso
Ama mo’y malayo
Hindi ka masundo
At may buwaya sa pulo.

Madaling basahan ng patriyarkiya ang pamilyang ito, na may tatay na “wala rito”, “malayo”, na tila kailangang maghanap-buhay upang makabili ng putong “(i)papakain sa iyo.”  Ngunit interesanteng pihit ang paglitaw ng panakot, na siyang isa pang katangian ng oyayi sa ikalawang saknong.  Dahil nga “malayo” ang ama, ipinaliliwanag ng tinig-ng-nagpapatulog (tiyak na sa ina) kung bakit “hindi ka masundo”:  “(M)ay buwaya sa pulo.”  Totoo, talagang panakot na pigura ang buwaya sa mga batang hindi nagpapaalo at tumatangging mahimbing.  Ngunit ang mga buwaya mismo’y isang mahiwagang pigura ng mga mito na kilala sa kanilang ilahas na pagkukubli at marahas na paninila.  Sa Noli Me Tangere, isang mahalagang talinghaga ang pakikipaglaban nina Elias at Crisostomo Ibarra sa buwaya sa eksena ng piknik sa lawa sapagkat tila ba itinatakda na nito ang mga palad ng pagkasawi at pakikipaglaban na pagsasaluha ng dalawa.  May isang alamat yata ng buwayang bantay ng Ilog Pasig, at iginagalang at kinatatakutan ang espiritu ng buwayang ito, hindi dahil sa balasik kundi sa mabathalang kapangyarihan nito na nangagalaga sa tubigan.  Ibang usapan na ang pagdadawit sa buwaya sa mga panahong ito dahil iba na ang pakahulugan natin sa kanilang “presensiya”, lalo sa mga institusyon sa pamahalaan.  Ngunit sa isang tumaila, ang oyayi, para sa mga Kapampangan, isa ring kapamilyang reptilya ang mababanggit, na inaawit daw ng mga lola na naaatasang mag-alaga ng mga apo:

Matudtod na ka bunso
Magpiyak kang mapailu,
Pota kuanan na ka ning tuko
Suli ra kang tutubo.

Matulog ka na bunso,
Ipikit na ang mga mata;
Baka kunin ka ng tuko,
Kaytulin kaya ng iyong pagtubo.

May mahiwagang nakabantay sa mga batang papatulog, at ang mga pigura ng buwaya at tuko’y ilan lamang sa mga ito.  Sa mga Kankanay, isang banog naman ang ipinantatakot sa mga bata, isang banog na maaaring dumagit at maglaglag sa bata sa gitna ng taniman ng niyog, sakaling sila’y hindi sumunod sa pagpapatulog.  Ngunit isa pang mahalagang pigura na dapat na pansinin ay ang halaga ng pagkain sa mga oyayi.  Kung sa “Meme na bunso ko” ay may putong pasalubong ang tatay sa bunsong mahihimbing (tila ba premyo ito sa kabaitan), tinapay naman ang ipangpapasalubong ng nanay na umalis sandali sa “Ili, ili, tulog anay” ng mga Hiligaynon:

Ili, ili, tulog anay,
Wala diri imong Nanay.
Kadto tienda bakal papay,
Ili, ili, tulog anay.

Matulog ka na, anak,
Ang iyong nanay ay wala.
Bumili siya ng tinapay,
Matulog ka na, anak.

Nasa anyong dalit ang oyaying ito, at kung mapapakinggan ang mga popular na pag-awit dito’y hindi lamang ito tigib ng pagpapahimbing kundi pati na rin ng lumbay, dahil sa pangangailangan marahil na lumisan ng nanay, para bumili ng tinapay.  Mahalaga ang pigura ng pagkain sapagkat lagi’t lagi, pinahahalagahan sa oyayi ang paglaki ng bata.  Kung ginagawang salalayan ng pagpapakabait at pagsunod sa tagapag-alaga ang pagtawag sa mga pigurang mahiwaga (ang buwaya, ang tuko, at ang banog, halimbawa), ang pagkain naman ay patunay ng pagpapahalaga ng ating mga komunidad sa pagpapalagong pisikal para sa mga kabataan.  Matapos na “disiplinahin” ang bata at pabalingin sa mabuting asal, gamit ang halos didaktikong pigurasyon ng mahiwaga, nagpapahalaga rin sa katawan, sa sikmura ang malay ng umaawit ng oyayi.  Ang pagpapatibay ng pangangatawan sa pamamagitan ng tamang sustansya ay makapagpapalusog, makapagpapalakas sa bata.  Sapagkat ang bata, sa huli, ay bahagi ng komunidad, na mayroong inaasahan sa lahat ng bahagi nito.  Napakahusay na halimbawang teksto ang mga oyayi bilang larawan ng mga sinaunang pagpapahalaga ng lipunang Filipino sapagkat naipapakita nito ang mga kahingian sa pagpapalaki sa mga bata: may buong ideya ang mga ito ng katuwiran at lakas na siyang bubuo sa batang lumalaki.  At magpapalit-palit man ng pigura ng pagkain, lalaging naroon ang aspektong pangkamalayan, pang-diwa, ng misteryong hindi man maaarok agad ay nakapagpatino sa isang paslit, na tunay naman talagang “lumalaki” sa pagtulog (at maging sa pagtulog sa hapon).  Higit na tuwiran ang isang oyaying Tagalog, sa anyong dalit, sa pagbigkas ng mga kaisipang ito, sapagkat sinasalita ng isang balo:

Sanggol kong anak na giliw
Matulog ka nang mahimbing
Marami akong gagawin
Huwag mo akong abalahin.

Iyang duyang hinihigan
Banig mo’t lampin ay gutay
Tayo’y mahirap na tunay
Luha at hapis ang yaman.

Akong ina mo ay dukha
Balo sa nag-aaruga
Ulila na ngang mistula
Sa ama mong makalinga.

Kung lumaki’t magkaisip
Ikaw bunso’y magbabait
Mag-aaral na masakit
Ng kabanalang malinis.

Pagbibilin, pagpapaalala din naman kasi ang oyayi, pagbibilin sa malay na kahit matutulog ay magigising pa rin sa mga katotohanan ng buhay.  Naririyan ang kahirapan, ang kapayakang naiiralan ng pighati at lumbay, lalo na sa oyaying ito, na kahimig ng oyaying Cebuano na “Anak nga Walay Palad” o “Batang Walang Suwerte”.  May hinala akong may impluwensiyang Balagtasista ang oyaying ito hindi lamang dahil sa estriktong anyong pinili nito kundi dahil na rin sa malungkuti’t mapangaral na salamisim nito.  May hibo rin ito ng halagahan ng Pasyon, lalo’t kung tititigan ang “kabanalang malinis,” na isang pagpapahalagang Kristiyano rin at rebolusyonaryo.  Talagang ngang anak-dalita ang kausap na sanggol at pinagsakluban ng langit at lupa ang inang nangangalaga!  Hindi kaya si Inang Bayan ito na nagsasalita?  Samantala, ibang-iba ang malungkuting kaisipan ng oyaying ito sa isa pang Kapampangan na tumaila, na matalinghaga nga’y talagang nanakot at nandidisiplina.  Bilang bahagi ng malawak na kapatagan ng Gitnang Luzon, may bahagi ng Pampanga na madalas dinadalaw ng mga ibong naglalakbay para sa panahon ng hibernation.  Iniisip kong napili ang imahen ng ibong tikling dahil malapit ito sa kalikasan ng lunan:

O, tikling a dala-dalakit
Eka sa bala-balakid
Pota masilo ka’t masaklit.

Kening daralan kong lubid,
Eya mu lubid a lubid
Tumbaga yang pemalipit.

O, tikling na malikot
Huwag kang palingon-lingon
Baka kita’y mahuli.

Itong lubid na aking bitbit
ay hindi basta-basta lubid,
sasapat itong pamilipit.

Naiiralan ng malasalawikaing himig ang tumaila.  Hindi tuwiran ang pakikipag-usap sa batang pinatutulog.  Inihahambing niya ito sa tikling na malikot, palakad-lakad, papasyal-pasyal pa marahil sa kaniyang higaang tila kapatagan.  Nagbababala ang nagsasalita, ang nagbabantay, dahil may dala palang lubid.  “Pota masilo ka’t masaklit,” wika pa niya.  Ang karaniwang paghuli sa tikling (kung saan mula ang kilos-galaw ng sayaw na tinikling) ang ginawang halimbawa ng nagsasalita sa kung ano ang maaaaring maging kapalit ng pagsuway sa pagpapatulog.  Epektibo ito, sa palagay ko, dahil nakikita sa pang-araw-araw na buhay at kalikasan.  Gaano man karahas, ang hambingang ito ay isang patunay ng hugpungan ng kalikasan at panlipunang pagpapahalaga.  Nasa kalikasan mismo ang mga aral ng pag-unlad at pagpapakabuti.  Kalikasan din mismo ang nagtuturo ng mga “pagkasawing” maaaring maging kapalit ng “pagkikibit-balikat” sa mga paalala ng magulang o nakatatanda.

Ngunit hindi lamang tungkol sa mga batang pasaway na inaawitan ang oyayi.  Halimbawa,sa dingdang o dundang na ito mula sa mga Tausug, nagkakaroon tayo ng ideya sa karakter at katayuan ng persona, at sa kung ano ang halaga sa kanila ng pag-awit na iyon bilang isang tungkuling pambayan:

Dungdang ba Utu’ tug na kaw
Ba liyalangan ta sa kaw
Ba dayang bukun sabab ikaw
Ba n maglangan mahukaw.

Matulog ka na, anak,
Pahihimbingin ka ng awit.
Anak, di mo sala
kung pag-awit ay pangit.

Kakatwa ang sinasabi nitong dundang, dahil may biro itong binibitiwan.  May kakayahan itong pagtawanan ang sarili, isang kakayahang iba sa mga karaniwang persona ng oyayi na nabasa natin, na madalas ay hindi natin malirip sapagkat isahang direksyon ang pagsasabi; laging patungo lamang sa pinatutulog, laging naninimdim, laging nagbababala.  Sa pagkakataong ito, nasisilayan natin na taong-tao rin ang mga bumibigkas-umaawit ng oyayi, may kabatiran at maaari’y may pakiramdam din ng kakatwaan sa ginagawa nilang pag-alo sa batang maaari’y hindi makatulog (namomroblema marahil sa pagkatutop na maaaring ang mismong pagiging wala sa tono ang dahilan ng pagmumuryot ng bata).  Ngunit kailangang umawit pa rin sapagkat iyon ay tungkulin, isang gawain ng paghubog sa kabataan.  Para sa isang Maranao, pagkakataon din iyon ng pakiusap sa batang hindi matahimik, pagkakataong maipakita na hindi madali ang pagtupad sa tungkuling ito ng pag-alo’t pagpapadala sa bata sa daigdig ng mga panaginip.  Masdan ang bong-bong na ito:

Bong-bong ai bong bongan
Pakatorog ka wata
Gomirao si ‘na aka
Ba ko seka dianeg
Go ka ri pimbongetan.

Tulog, tulog, tulog na,
Tulog, aking munting mahal.
Baka sabihin ng iyong inay
na pinarusahan kita
o kaya’y pinagalitan.

Kaya tama nga kayang tawagin silang “non-narrative”, gayong laksang salaysay ang ipinadirinig, inaaawit nila sa atin mulang pagkabata?  Ang mga ito ang una nating duyan, na umuugoy sa ating malay.  Ito ang mga “awit ni Inang mahal,” sabi nga ni Levi Celerio, na nais nating magpahimbing sa atin sa tuwina.  Ikinukuwento ng mga ito ang pagkakahubog sa ating katauhan, at sa pangkalahatan, sa ating haraya.  Mga munting pahayag ito na salaysay ng pag-unlad ng ating malay.

Pebrero 26, 2013

*ang mga salin sa Filipino ng mga oyaying mula sa wikang rehiyonal ay aking malayang salin. Ang mga oyaying ito ay sipi mula sa Eugenio, Damiana, compiler and ed.  Philippine Folk Literature: An Anthology.  Quezon City: U of the Philippines Press, 2007.

Proyekto Siyento: 100 Araw, 100 Tula: Awit-Pangmisa

Buksan ang aming puso;
Turuan Mong mag-alab.
Sa bawat pagkukuro,
Lahat ay makayakap.

Buksan ang aming isip;
Sikatan ng liwanag
Nang kusang matangkilik,
Tungkuling nabanaag.

Buksan ang aming palad;
Sarili’y maialay.
Tulungan Mong ihanap
Kami ng bagong malay.

Rolando S. Tinio, musika ni Eduardo P. Hontiveros, SJ

“Awit-Pangmisa” ang ipinamagat ni Rolando S. Tinio sa serye ng tatlong tula kung saan nagmumula ang tulang ito.  Pamilyar marahil na kantang-simbahan, lalo na sa panahon ng Kuwaresma.  Paborito itong pambungad lalo kung Miyerkoles de Ceniza o simula ng mga linggo ng pagtitika.  Inaawit din ito madalas kapag Semana Santa, at minsa’y nagtataka ako kung bakit.  Sabagay, sa himig pa lamang nito ng pagsuko, maaari nang mahiwatigan ang diwa ng panahong madalas na iniuugnay dito.  Ang hindi alam ng madla, ang titik ng awit ay tula ng isang napakahusay na makata, na higit na kilala sa kaniyang mga akdang eksperimental sa wika at kamalayan, ang “Valediction sa Hillcrest” at “Sa Poetry”.  Kung sa “Valediction” ay naghihimitok ang persona sa pagiging nasa pagitan ng pagnanais manatili sa banyagang lugar na inibig at sa pangangailangang bumalik sa bayan; at kung “Sa Poetry” ay nagtatangkang magpaliwanag ang persona hinggil sa kakatwang diwa ng paglikha, sa tulang ito naman ay nagdarasal ang persona, humihiling sa diyos na “buksan” ang masasabing tatlong aspekto ng kolektibong pamumuhay–ang puso, isip, palad.  Sa tatlong nakapagsasariling kuwarteto na may sukat na pipituhin (waring sa tanaga) at tugmaang salitan, inihahayag ng persona ang tila ba pagtatalaga sa sariling tumatalikod sa layaw at kamunduhan.  Ngunit kapag minasdan nang mas malapitan, hindi lamang ito karaniwang “awit-pangmisa” na isinusunod sa anda ng karaniwang pagsamba.  Lalo’t isinasaalang-alang ang panahon kung kailan ito madalas na awitin, maaaring masdan ang kaugnayan nito sa diwa ng Pasyon na “binasa” ng madla bilang pagpapalaya, sang-ayon halimbawa, kay Reynaldo C. Ileto.

Mabuting pagbatayan ang balangkas.  Sa tatlong saknong, nailalahad na ni Tinio ang proseso ng pagbabagong-loob na ninanasa ng persona para sa kaniya at kapwa.  Ang unang saknong na nagpapabukas sa puso at humihinging mapag-alab ito ay nagtutuon ng pansin sa kapwa, “sa bawat pagkukuro”.  Ang pagkukuro rito ay hindi karaniwang ugnayan, bagkus pagbabahaginan ng palagay, ng “kuro”.  Ang dasal ng persona ay “(l)ahat ay makayakap.”  Sa Pasyon, pinahalagahan ang kapatiran, ang pagyakap sa kapwa sa kabila ng pagkakabukod at kaibhan.  At bagaman bibihirang mabanggit ang “puso” bilang kaibuturan ng ugnayan, naroroon namang tinatalakay sa Pasyon ang dalumat ng loob, na sa paliwanag ni Ileto ay kinailangang malinis upang maging karapat-dapat sa kapatiran.  Ang pagiging “kapatid” sa isang “katipunan”, maaari’y katipunan ng mga kapwa mananampalataya, ay nangangailangan ng bukas na puso, at dahil nga roon, bukas na loob, upang handang dumamay sa lahat, at sa lahat ng oras.  Ang mabuting loob ay mapangyakap at mapangyakag tungko sa kaisahan, sa pakikiisa.  Sa relihiyosong pagbasa, ang pakikiisang ito ay hindi lamang pakikiisa sa sakit ni Kristo, bagkus, pakikiisa rin at pakikipisan sa mga kapatid sa kapatiran, “sa bawat pagkukuro”.  Ang pagbuwag sa muog ng loob ay pagpapatuloy. hindi lamang sa Kristo kundi sa kapwa.  Kaya’t bilang bungad ng awit-pansimbahan, sinisimulan ng tulang ito ang paglalakbay pabalik sa kaisahan mulang malaong pagkakawalay sa diwa ng kabutihan at katwiran.

Mahalagang dalumat din ang katwiran sa Pasyon, kaya’t ito ang kasunod na pinabubuksan ng persona sa kolektibong sarili.  Isang katangian ng bukas na loob ang makasumpong ng katwiran, ang landas ng buhay na matuwid.  At sa pagbubukas ng loob, animo’y sabay ding nabubuksan ang “isip”, nasisikatan “ng liwanag”, isa pang mahalagang imahen ng Pasyon na tila ilaw na naglalahad ng pagkamatuwid na inaapuhap.  Lahat ng dinadasal ng persona sa tula ay langing may anda (functions), at kung sa una’y itinutuon ang pagbubukas sa kapwa, sa ikalawa naman ay sa mga sarili, na hinihinging “kusang matangkilik/ [ang] (t)ungkuling nabanaag.”  Ganap na ganap ang pagtalikod dito ng tinig sa dating mundo, dating buhay.  Habang tinutunghan ang dinadalanginan, nasusumpungan ng persona ang liwanag na nagpabanaag sa tungkulin.  At ano ba iyon?  Sa ikatlong saknong matatagpuang hinihiling ng kolektibong tinig na buksan naman ang palad upang “sarili’y maialay”.  Bilang pagtulad sa ginawa ni Kristo sa kaniyang pasyon, ang pagbaling ng persona sa buhay ng pagbubukas ng loob, at pagbubukas ng isip, ay naunawaan niyang pagbubukas ng palad para sa paglilingkod.  Ang balangkas na pasuysoy ng awit-pansimbahan ay nagtatanghal ng isang proseso ng mga pagbubukas ng sarili na nagtatapos sa pagkakahanap ng “bagong malay”, para sa “kami” na ito, na lalong nagkakaroon ng kawastuhan kung babalikan ang ating pagtitig sa unang saknong.

Pakikiisa sa Kristo at sa kapwa ang naunang naganap sa unang saknong.  Matapos ng pagkakabuklod sa kapatiran at pakikipagkatoto sa diyos, natagpuan ng persona-bilang-kolektibong-tinig ang katotohanan ng kaniyang buhay–na mayroon siyang tungkulin na maglingkod at maialay ang sarili.  Sa huling saknong, mayroong paggigiit ng kahinaan sa paghingi ng tulong: “Tulungan Mong ihanap/Kami ng bagong malay.”  Ang mga pandiwa sa tulang ito’y pawang pataas ang direksyon (buksan, turuan, sikatan, tulungan), nagsusumamo sa banal na kapangyarihan at kabutihan ng kausap.  Bilang palagiang pambungad na awit-pansimbahan tuwing panahon ng Kuwaresma, napakayamang pintungan ng diwa ang tulang ito, na wari’y pagunita sa halaga ng malalim na pagninilay hinggil sa buhay at pakikipagkapwa sa mga panahong banal.  May pag-asang inaabangan ang persona, hindi lamang para sa kaniyang sarili, kundi para sa lahat ng kaniyang kapisan: nasa nilang lahat ang magkaroon ng “bagong malay”, ng higit na matalim na pagkilatis sa danas, marahil, o kakayahang magpairal ng katwiran sa lahat ng pagkakataon.  Ang Kuwaresma ay pagtatalaga ng sarili sa panahon ng pagdidili-dili, at ang lahat ng ito’y nakatuon sa paglilinis at paghahanda ng loob para sa mga darating na pagsubok at tagumpay sa buhay.  Noong Panahon ng Rebolusyon, nahiwatigan ni Ileto sa mga sulating rebolusyonaryo ang kung papaanong tinupad ng mamamayan ang paghahanda sa kanilang loob, sa gabay ng diwa ng Pasyon.  Ang “bagong malay” ay sinekdoke lamang ng pagbabagong-loob na kailangan sa pagnanasang mabago ang paligid, lalo na ang bayan.  Sinasabi lamang, sa una’t huli, na ano mang pagbabago ay nasisimula sa sarili.  At sa liwanag ng mga sulatin ni Ileto, gayundin marahil ang kailangan sa pagbago sa sariling malay sa buhay-Filipino.

Pebrero 19, 2013

Proyekto Siyento: 100 Araw, 100 Tula: Laji

Muyin Paru Ñinu

Muyin paru ninu si tauri a manianinu
du chinuhat ko a danum, nia di ko s’ di pachilupa
ta pakaynaynaynamen ko a mavuya?
As anu madiman aku, nia ivuvun mo ava yaken
du kurus di San Pilis, as ivuvun mo yaken
du asked nu kuku mo ta pachisuvusuvuay
ko du kanen mo a mahutu as pachidiludilupay ko
du inumen mo a danum.

awiting-bayan

Whose Face Do I Behold?

Whose face do I behold, mirrored
upon the water I have boiled to drink?
I do not dare to drink to prolong the vision.
If I die, bury me not
at the Cross of San Felix; bury me
under your fingernails, that I may
be eaten along with every food you eat, that I may
be drunk along with every cup
of water you drink.

Salin ni Florentino Hornedo

Kaninong Mukha Ito?

Kaninong mukha itong naaaninag
sa pinakuluang tubig na aking iinumin?
Di ako magtatangkang uminom upang magpatuloy ang bisyon.
Kung ako’y mamatay, huwag akong ilibing
sa krus ng San Felix; ilibing ako
sa iyong mga kuko, upang ako’y
mapasama sa iyong bawat kakanin,
upang ako’y mapahalo sa iyong
bawat tubig na iinumin.

Salin mula sa Ingles ni Louie Jon A. Sanchez

Malayo ang Batanes para sa marami, isang malayong lupalop at kultura na kilala lamang ng marami sa maalon-marikit na paligid ng mga isla nito sa mga larawan sa magasin at palabas sa TV; sa mga pinatibay na bahay na batong hinahangaan bilang dakilang ambag sa katutubong arkitektura; at sa payak at tahimik na pananahan ng mga kababayang tinatawag nating Ivatan.  Nakapagitan sa Hilagang Luzon at mga pulo ng Batanes ang magkahidwang pagtatagpo ng West Philippine Sea at Pacific ocean, kung kaya’t sadyang malayo at mahirap yatang marating ang lupaing ito (nakamamatay!).  Ibang mamagitan ang tubig sa isang arkipelagong tulad ng sa atin, ngunit sa isang banda, ang mga pagkakalayong ito’y maaaring masdan bilang fluid na pagkakaugnay, at pag-uugnay din (kahit napapaligiran ng mga along madalas ay magkakahidwa).  Magandang ilustrasyon ng fluidity na ito ang mga antolohiya ng katutubong panitikan ni Damiana Eugenio, na nagtatangkang itanghal ang ibayong bukluran ng dose-dosenang wika at katutubong panitikan ng Filipinas.  Itinatanghal din sa antolohiyang ito ang ambag ng mga Ivatan sa katutubong pag-aanyo ng ating panitikan.  Sa gayong kalauyan, iniaambag ng mga Ivatan sa kalipunan ang isang tradisyon ng awit, na sinasabing malapit nang mawala (ngunit mabuti na lamang at ipinagpapatuloy at idinodokumentaryo na nga ng mga iskolar).  Ang tinutukoy ko ay ang laji, o lagi, sa orihinal na pagkakabaybay ni Florentino H. Hornedo, ang iginagalang na iskolar na tubong Batanes.

Nakapailalim ang laji sa mga natipong “folk songs” ni Eugenio.  Sa mga tala, ang laji, tulad ng marami pang awiting-bayan, ay kinakanta ng mga Ivatan sa mahahalagang okasyon tulad ng kasal at pagdiriwang. Tinawag nga itong “folk lyric tradition” ni Hornedo, marahil dahil pa rin sa katangiang musiko nito.  Ngunit nais kong pagtuunan ng pansin ngayon ang isang laji na malaong nakapupukaw sa akin sa tuwing binabasa ko at tinuturo, ang “Muyin Paru Ñinu”, na napasama rin minsan sa talaan ng tula ng makatang Marjorie Evasco nang magpaliwanag siya hinggil sa mga “paborito” niyang tula sa isang antolohiya.  “Visceral” ang kaniyang pagkakalarawan sa liriko ng “Muyin Paru Ninu”, bagay na mababanaag sa kung papaanong ninanasang magunita ng persona, habang naghahabilin sa kausap: “…bury me/ under your fingernails, that I may/ be eaten along with every food you eat, that I may/ be drunk along with every cup/ of water you drink.”  Nasa antas ng pagnamnam, pagkain, pagtamasa sa sustansiya, at pagpatid sa uhaw, ang gunita ng isang papanaw.  Ibang-iba ito halimbawa sa pagtinging-Kanluranin na madalas ay nahihintakutan sa kamatayan, at panay ang masidhing pagproblema sa mortalidad (ang sabi nga ni W.H.  Auden, “(a)bout suffering they were never wrong/ The Old Masters; how well, they understood/Its human position; how it takes place/ While someone else is eating or opening a window or just walking dully along…”).  Kung ang personang naririto sa laji ay may pagkilala at pagtanggap sa siklo ng buhay (“Di ako magtatangkang uminom upang magpatuloy ang bisyon”), marami sa mga tulang Kanluran, lalo na yaong mga klasiko, tulad ng “Sailing to Byzantium” ni William Butler Yeats, ang nagpupumilit pang kumapit sa humuhulagpos nang buhay (lalo sa yugto ng pagtanda).  Naaninag ng persona ang kaniyang sarili, at sariling palad.  Ilang sandali pa’y kailangan niyang inumin ang tubig, na kaniya pang pinakuluan upang mainom.  Kaya siya naghahabilin.

Interesante ang presensiya ng “kurus di San Pilis” sa laji, bagay na tanda ng pagdatal ng kolonyalismo sa pook.  Napakaganda nitong pagpukulan ng titig sapagkat matapos na makita ng persona ang sarili (at ang mortalidad) sa salaming-tubig, tiyak ang tinig sa pagsasabi ng kung saan dapat siyang “ilibing”.  Hindi sa “kurus di San Pilis”, kundi sa “asked nu kuku mo”, “under your fingernails”, o sa salin ko, “sa iyong mga kuko”.  Nais niyang manatili ang gunita sa piling ng maiiwang minamahal, malapit na malapit, sa katawan mismo, nais niyang maging bahagi ng pag-iral ng mga naiwan, maging diwang-bantay, maging diwa ng kanilang buhay at pagpapatuloy.  Baka malayo ang krus ng San Felix, at baka nakapaglalayo rin.  Ang tanda ng San Felix ay tanda ng pagkakalayo ng katutubong lipunan mula sa kaniyang tunay na kakanyahan, sa kaniyang gunitang pangkultura.  Napakahalagang imahen ng pagkakatuklas ng sariling aninag sa tubig (mala-Narciso) sapagkat ito’y tanda ng pagkakakilala sa kakanyahang nais na magpatuloy.  Sa pagpapailalim sa krus ng San Felix, inaawit ng persona ang sariling kasaysayan ng kolonyalismo ng kaniyang lupalop, at kung papaano siya nagpapakatatag sa ganoong pagsalakay.  Matalinghaga ang pagsuway niyang mailibing sa krus ng San Felix matapos ng pagkakilala sa sarili.  Sa huli, ibinibilin niya sa mga maiiwang mahal ang kaniyang pagiging nuno ng pagkakatuklas sa kakanyahan—katutubong kakanyahan—na dapat din nilang maging kakanyahan ano man ang mangyari.  Ito ang gunitang bubuhay sa kanila sa loob ng mga panahon.  Ito ring gunitang ito ang bubuhay sa kanila habang binabata nila ang danas ng pananakop.

Nakamamangha ang diwang ipinababatid, at iginigiit ng awiting bayang ito.  Sa kabila ng kanilang kalauyan, ipinamamalas ng laji na ito ang kaisahan ng pananaw ng mga Filipino hinggil sa kamatayan, gunita, at maging sa danas-kolonyal.  Matapang ang ating pangkulturang dulog sa mortalidad, at batid natin iyon.  Kung iuugnay ito sa kilalang imahen ng bangang Manunggul na dating nakaimprenta sa mga P 1000, ang kamatayan ay isang pagtawid lamang patungo sa bagong pakikipagsapalaran.  Ang tangka ng persona na “magpatuloy ang bisyon” ay hindi pahayag ng pagtutol sa palad kundi mga kataga ng maparikalang pagtanggap sa naroroong naghihintay.  Ang maging eternal kumbaga ay wala sa pagtitindig ng moog, kundi nasa pagtatalaga sa kaibuturan.  Hinggil naman sa gunita, pinatutunayan din ng tulang ito ang kolektibo nating pagkamalay dito bilang bahagi ng kakanyahan, ng katawan.  Kristiyanong paniniwala (ang krus ng San Felix!) ang nagtalagang marumi ang katawang-tao at kailangang talikdan.  Sa kulturang nagkakamay sa pagkain, bahagi ang mga daliri, ang kalingkingan ng katawan, sa danas ng pagnamnam at pagpapakabusog.  Magkahidwa ang dalawang pananaw na ito dahil iginigiit ng kultura ang halaga ng katawan sa pang-araw-araw na pag-iral, bilang sisidlan ng kakanyahang kailangang ikandili sa pagmamahal, aruga, at kabusugan, lalo’t higit sa kabusugan sa kolektibong gunita.  Kaya nga’t kapag binabasahan natin ito ngayon bilang may hibong poskolonyal, mauulinigan natin dito ang maraming pagtutol ng ating katutubong panitikan sa paglalagos dito ng kolonyal na pakikialam.  Sa Biag ni Lam-ang, na malapit-lapit na mito sa Batanes dahil sa mga Ilokano sa Cagayan, may ganito nang makikitang presensiya (o spectre, sa paglalarawan nga ni Rizal, ayon kay Benedict Anderson).  Tinatawag nang Doña si Ines Cannoyan.  Ngunit nagpapatuloy ang mahiwagang salaysay dahil iyon ang kuwento ng bayan.  Sa laji na ito, ganito rin ang mararanasang paggigiit ng sariling kakanyahan sapagkat ito ang awitin ng bayang iyon, ng ating bayan.  Nagkakasaysay lamang ang kasaysayan kapag binabalikan—inaawit—ang kaniyang bawat pagkamalay.

Pebrero 4, 2013

Proyekto Siyento: 100 Araw, 100 Tula: Haiku

Lingkaw ko’y pigîl:
may gagamba sa uhay,
bilot ang balang.

***

Ulilang lipad
ng tutubing karayom.
Takipsilim na.

Rogelio G. Mangahas

Ang dalawang tulang naririto’y mula sa Gagamba sa Uhay: Kalipunan ng mga Haiku (2006) ng malaong itinuring na isa sa “tungkong-bato” ng ikalawang bugso ng Modernismo sa Panulaang Filipino, si Rogelio G. Mangahas.  Interesante ang pagbaling ni Mangahas sa haiku sa panahong ito, lalo kung susubaybayang muli ang kaniyang akda bilang tagapanguna ng modernismo kasama sina  Lamberto Antonio at Rio Alma, at bilang isang nakikisangkot na makata noong panahon ng sigwa.[1]  Mula sa pangahas na panulaang marubdob ang pahiwatig at bisyon sa yugto ng maraming panlipunang pagkaluoy, itinuon ni Mangahas sa ikatlong aklat na ito ang pagbaling sa higit na matahimik na karaniwan at personal, bagay na masasaling sa bawat imahen at kislap-diwa na ipinakikilala ng mga haikung binigyan ng anyong Filipino ng makata.

May sariling padron ang haikung Hapon na tiyak na pinagbalunan din ng bait ni Mangahas sa kaniyang pagsasaling-anyo.  Naririyan ang mahalagang kigo, na pahiwatig ng pagbabagong-panahon.  Ang haiku sa tradisyong Hapon ay maituturing na pagninilay sa inog ng panahon, kung kaya’t ang kilalang danaw ni Matsuo Basho ay isang pahiwatig ng pagdatal ng tagsibol.  Naririyan din ang kireji na sa haikung Hapon ay nagsisilbing makapangyarihang anotasyon ng dating ng piniling imahen ng bagong panahon.  Nagsisilbi itong pihit na nagtatanghal di lamang ng sinasabi hinggil sa inog ng panahon, kundi pitik na rin ng kaisipang mamamalas habang tinatamasa ang paghuhunos ng kalikasan.  Sa ilang tala, ang kireji ay inilalarawan bilang antala (o sesura pa nga) upang ipakilala ang sumasagitsit na kislap-diwa.  Ang “—” o gatlang halimbawa sa saling ito ni Kenneth Rexroth ng palaka ni Basho ay mismong pagpapakilala ng pahiwatig: “An old pond—/The sound/Of a diving frog.”  Kuwit naman ang ginamit ni Ezra Pound, at onomatopeia, upang igiit ang kabaguhan sa paligid: “The old pond/ A frog jumped in,/ Kerplunk!”

Sa mahusay na pagsunod ni Mangahas sa nakamihasnang anyong 5-7-5 ng haiku upang ibalangkas ng kaniyang pagsasaling-anyo, hindi lamang pinatutunayan ni Mangahas ang kaniyang pagiging maestrong makata; itinatanghal din ng dalawang halimbawa rito ang kapangyarihan ng ating wika na makipagtalastasan sa ibang kultura [hindi na rin naman siguro ito ipagtataka, lalo't kung iisipin ang kalapitan ng ating sinaunang anyo na diona (7-7-7, monorima), halimbawa, sa anyong ito].  Isinalin ni Mangahas ang inog ng panahon sa una bilang tag-ani, ang mahalagang yugto ng tag-araw sa Filipinas kung kailan tinitipon ang lahat ng ibinunga ng pagtatanim, pagbibinhi.  Ngunit sandaling natigilan ang kamalayan, pinigil ang kaniyang lingkaw:  sa pagmalas niya ng isa pang anyo ng anihan, wari bang nakilala niya rin ang kabanalan at halaga ng kaniyang sariling gawain at siklo ng pag-iral.  Sa unang taludtod pa lamang, ipinamamalas na ang di birong pamumuhay na ito, na higit na naging makinang, sa pagkakatagpo sa gagamba sa uhay.  Mahalagang yugto ng paghimpil, ng pagninilay ang tutuldok (colon) sa hulihan ng taludtod, na senyal hindi lamang ng pasuysoy na balangkas, kundi lalo na, ng mahiwagang talagang kaabang-abang.  Samantalang nagbabalon sa diwa ng kigo, binabalikan din ng pagsasa-anyong ito ng haiku sa Filipino, ang magalang na pananaw-diwa natin sa kalikasan, na matatagpuan sa mga tradisyonal na anyo ng bugtong at salawikain.

Ang pagmalas natin sa kamalayan habang humihimpil siya’t sumasaksi sa gagambang nagbibilot ng balang ay tigib ng aral hinggil sa katutubong pamamaraan ng pagbaling sa paligid at pasasalamat sa paglingap ng kalikasan.  Gayundin ang matatagpuang hiwaga at hinahon sa ikalawang haiku, na nagtatanghal ng pagtatapos ng araw, na isa pang mahalagang yugto ng siklo para sa tao.  Mahalagang sinekdoke ng danas ang “ulilang lipad/ ng tutubing karayom” sa paglalarawan ng hulagway ng takipsilim.  Ang huling taludtod ay hindi lamang pahayag ng kung ano ang umiiral, kundi pahayag din ng isang mahalagang diwa hinggil sa pag-iral, sa buhay.  May tibok ng lumbay ang haikung ito, isang tibok marahil ng pangungulila para sa maraming paglipas, ngunit hindi lamang katapusan (ng araw, o ng buhay)ang maaaring ipinahihiwatig nitong kislap-diwa.  Sa bawat pagsapit ng katapusan ay may naghihintay na pagsisimula, ng muling pagsisikap at pagsisikhay.  Sa pagbigkas ng persona na “(t)akipsilim na”, inihahayag niya ang kabatiran hinggil sa mga inog ng pag-iral na sadyang dumaraan at hindi maipagpapaliban.  Natatapos ang ikalawang taludtod sa tuldok dahil may gayong pagtanggap sa katapusan.  Ngunit may humahabol na pahayag, na senyal ng marami pang pagpapatuloy.  Ang “na” sa “(t)akipsilim na” ay panandang pamanahon, na nagpapagitaw ng susunod pang mga yugto ng pag-inog.

Natatangi ang pagsasaling-anyo na ito ni Mangahas dahil dinadala ng makata ang kamalayang Filipino sa isang anyong may sariling estetika at pananaw.  Sa pamamagitan ng pag-aanyo niya sa haiku sa wikang Filipino, ipinadarama sa atin ang diwa ng kigo at kireji sa pamamagitan ng pagbabago mismo sa kamalayan at sensibilidad na nagwiwika at nagbabahagi ng matulaing danas.  Filipinisado na ito.  Maaaring masabi na ang haiku ay isang paborito’t gamiting anyo sa maraming wika sa daigdig.  Ang totoo’y naging anyong pandaigdig na ito sa mula’t mula sa tindi ng impluwensiya nito sa di iilang makata tulad ni Pound, na sumalok ng birtud dito habang inaanyuan ang sarili niyang imahenismo.  Masdan na lamang halimbawa ang kaniyang tanyag na “In the Station in the Metro” (The apparition of these faces in the crowd;/ Petals on a wet, black bough.).  Isang makapangyarihang pamamaraan kasi ng pagtitig ang haiku, na nagtuturo, kapwa sa makata at sa mambabasa, ng masidhing pagninilay sa sarili at paligid.  Sa panahon ng sagitsit, pangangahas na ring maituturing ang pagdulog sa mga anyong pampanulaang tulad ng haiku, na humihingi ng konsentrasyon at pagtungtong sa nakahihindik na puwang ng ngayon, ng kasalukuyang puwang ng kamalayan at pagkamalay.

Pebrero 1, 2013


[1] Iminumungkahi ang pagbasa sa sanaysay-panayam na sinulat ko kasama si Giancarlo Lauro C. Abrahan, ang “Ang Tatlong Panahon ng Panulaan ni Rogelio G. Mangahas,” sa p. 237-263 ng Abad, Gemino H., editor. Likhaan 6: The Journal of Contemporary Philippine Literature, 2012.  Matatagpuan ang kopyang pdf nito sa http://icw.kal.upd.edu.ph/Documents/Journal%206.pdf.

Proyekto Siyento: 100 Araw, 100 Tula: Awit

Ang tamuneneng ko’y lumuha sa bundok,
kasabay ang taghoy ng luha’t himutok;
luha’y naging dagat, along sumasalpok,
ang tamuneneng ko’y sadyang napalaot.

Ako namang ito’y humanap ng daong
at kusang tumugpa sa gitna ng alon;
natagpu-tagpuan, sigwa at daluyong,
ang tamuneneng ko’y kung saan nataboy.

Mana isang araw, humampas ang hangin
dini sa dibdib ko na nahihilahil;
kaya pala gayon ay si tamuneneng,
nasa aking puso’t doon humihimbing.

Hayo, mga sama, at ako’y tulungan,
sa dagat itawid itong kapalaran;
kung tayo’y palaring dumating sa pampang,
ang tamuneneng ko’y ating kalangitan.

Hala, gaod tayo, pagod ay tiisin,
ang lahat ng hirap pag-aralang bathin;
palayu-layo man, kung ating ibigin,
daig ang malapit na ayaw lakbayin.

Awiting-Bayan

Isang awiting-bayan ang tulang ito, isang awit na may kung anong nagbabagong enerhiya habang tumatakbo ang mga saknong. Nagsasalaysay sa unang tatlong saknong ang persona, at inilalahad ang kaniyang lumbay habang malayo sa kaniyang “Tamuneneng,” isang katawagang-pang-irog, na minsang inilarawan ni Virgilio S. Almario na maaaring “pantawag” sa “sinumang itinatangi at ang idinagdag na mga pantig (ang tila unlaping “tamu-”, marahil, dahil tinutukoy dito ni Almario ang malambing na bansag na “neneng”) ay bahagi lamang ng paglalaro sa salita at pagsunod sa hinihingi ng himig.” Sa kabuuan ng unang apat na saknong, tila ba nagiging refrain ang salitang “tamuneneng”, at hindi na dapat ipagtaka ito sapagkat ito naman ang puso ng paglalakbay na nagaganap sa tula. Para bang sa bawat kibot na itinatanghal sa bawat saknong ay laging naroroon at damang-dama ang “tamuneneng” o minamahal na ito, malayo man ang nagsasalita. Dahil nga mulang lumang panahon, nagsisilbing gabay sa paglalakbay ang “tamuneneng” (kung panahon na ng kolonisasyon ay maaaring parola), siyang pook na tinatanaw sa orisonte bilang minulan at babalikan. Samantalang parang napalayo nang napalayo ng kaniyang pakikipagsapalaran ang persona, tila ba nakabantay lamang sa kaniya ang kaniyang “tamuneneng” habang iginagaod ng bigkas ang salaysay ng walang-maliw na debosyon sa irog: “ang tamuneneng ko’y sadyang napalaot”; “ang tamuneneng ko’y kung saan nataboy”; “kaya pala gayon ay si tamuneneng,/nasa aking puso’t doon humihimbing”; “ang tamuneneng ko’y ating kalangitan”. Lahat nang ito’y alingawngaw ng kung anong layong namamagitan sa persona at sa kaniyang tamuneneng na “lumuha sa bundok.” Ngunit lakas-loob na hinaharap ng persona ang kaniyang paglalakbay, dahil na rin magiit ang nasang makauwing muli sa kaniyang minamahal. Sa tradisyong Griyego, mahihiwatigan agad dito ang pigura ni Odysseus na hindi makabalik-balik sa Ithaca, at sa kaniyang minamahal na si Penelope, at sa supling na si Telemachus, na dekada nang hindi nakikilala ang ama. Tulad ng bidang Griyego, malayong-malayo pa ang persona sa paroroona’t babalikan dahil malinaw sa tula na nasa kalagitnaan pa siya ng paglalakbay. Pakinggan halimbawa ang, “Hayo, mga sama, at ako’y tulungan,/ sa dagat itawid itong kapalaran” at “Hala, gaod tayo, pagod ay tiisin,/ ang lahat ng hirap pag-aralang bathin”. Sa persona, malinaw ang motibasyon upang umuwi. Ang tamuneneng ay kaniyang kalangitan, at ito ang nagiging angkla ng lahat ng kaniyang pakikipagsapalaran.

Ngunit napakamaparikala rin ng katotohanang ito kung tutuusin, kung mamalasing muli ang pinakabuod ng pagkakalayo, lalo sa unang saknong—“ Ang tamuneneng ko’y lumuha sa bundok,/ kasabay ang taghoy ng luha’t himutok;/ luha’y naging dagat, along sumasalpok,/ ang tamuneneng ko’y sadyang napalaot.” Sa mahiwagang dahilan, ito rin palang mismong pagluha’t panananaghoy ng tamuneneng ang maaaring dahilan ng paglayo. Dalawang beses na uulitin ang “tamuneneng” dito sa unang saknong, at makikita ring magkaiba ang kanilang gamit at pagtukoy. Ang unang tamuneneng ay tumutukoy mismo sa taong iniibig, na maaaring naiwan sa kalupaan isinasagisag ng “bundok”. Ang ikawalang tamuneneng ay may pagka-di-matukoy, sapagkat maaaring idinadawit na nito ang ideya ng pag-ibig na nawaglit dahil sa pinili/kinailangang piliing paglalakbay. Kakatwa ang binibigkas ng salaysay, ngunit nagpapahiwatig ito hinggil sa masuyong ugnayan ng tamuneneng at ng persona. Kaya gayon na lamang marahil ang naging konpigurasyon hinggil sa matinding pangungulila ng tamuneneng sa paglalakbay na ito ng kaniyang kabiyak. Ang ano mang paglayo’y may ganitong kaakibat na dalamhati, at ang pagdaramdam hinggil dito ng persona ang lalong nagpapahirap sa kaniyang kalooban habang nasa laot at tinutupad ang ano mang tungkulin. Tinutupad ang pakikipagsapalaran sapagkat pinaniniwalaan ang isang palad—at sa pagdestiyero ng mga bayani, ito ang laging inihahaka nina Northrop Frye, Freud, Jung at Joseph Campbell. Kakaibang maglakbay ang persona rito dahil inuunos siya ng sariling pagdaramdam at paggunita sa tamuneneng na naiwan. Ang dagat (pati na ang “along sumasalpok”) na kaniyang nilalakbay ay ang mismong luha ng tamuneneng, na saan man siya mapadako ay dinadala siya pabalik sa piling ng gunita nito. Walang tahimik na panahon sa tulang ito dahil binabagabag ng kung ano-anong puwersa ng kalikasan: “natagpu-tagpuan, sigwa at daluyong”; “Mana isang araw, humampas ang hangin”. Walang magnanais maglakbay sa ganitong panahon, ngunit may palagay akong ilustrayon ang mga ito ng panloob na kalagayan ng persona sa gitna ng paglalakbay. Ganito kalumbay ang persona’t nasa laot lamang ng dilim ng kaniyang paghati. Hindi natin makikita ang laot ng kaniyang tunay na paglalakbay; wala tayong mga kapana-panabik na kabanata ng mga pagkakatagpo ng kung ano mang lupain, katauhan, o kayamanan. Nakatuon lamang ang persona sa pagbabalik sa kaniyang kalangitan.

Ngunit, ang tamuneneng ko’y ating kalangitan. “Ating”, isang kolektibong panghalip, na nagpapakita na hindi lamang siya ang dumaranas ng pighati habang malayo sa liyag. Awiting-bayan ito ng lumang panahon, may anyong 12 pantig kada linyang nakabungkos bilang quatrain o apatang taludtod. Tiyakan ang ritmo sa sesura sa ikaanim na pantig, at salitang monorima kada saknong. Matapos maglunoy sa lungkot at himutok ay makikipag-usap sa mga kasamang nakikipagsapalaran din (may mga kasama nga pala ang ating manlalakbay!) ang persona. Sinasabi ring maaaring awit ito ng pang mandaragat, at ang pagbabagong-himig sa dalawang huling saknong ay tanda ng kinakailangang pagpapatibay ng loob at paggigiit sa sarili habang binabata ang maraming panganib sa dagat. Kailangan nilang pare-pareho na “dumating sa pampang” at sa wakas ay makapiling muli ang tamuneneng nila. “Hala, gaod tayo, pagod ay tiisin,/ ang lahat ng hirap pag-aralang bathin,” wika pa ng persona, at tila ba bumabalik sa atin ang lumang panahon ng mga mandaragat na sabay-sabay ang pagsagwan, habang marahil ay inaawitan ng kantang-tulang ito. Hindi lamang binabalikan ng tula ang pagiging pangkalipunan nito, pati na rin ang pagiging pangkalipunan din ng danas-tao, na isinasakataga sa anyo ng tula. Kung papaanong pinagsasaluhan nila ang tila iisang tamuneneng—ang iisa nilang motibasyon upang balikan ang minulan—ay nagsasalo rin sila sa hirap at pagpupunyagi para lamang makabalik. Kung awit pang mandaragat ito ay mahihinuha natin ang gamit nito habang sila ay nagtatrabaho—kung mangingisda sila’y inaasam nila ang mahango na ang lahat ng huli at makabalik nang tuluyan sa aplaya, na lunang pinag-aabangan ng minimithing tamuneneng; kung manlalakbay namang nakikipagkalakalan sa ibayong dagat ay sinisikap nilang maging maayos ang paglalayag upang maidaong ang mga dala’t makabalik din sa naghihintay na tamuneneng. “Palayu-layo man, kung ating ibigin,/ daig ang malapit na ayaw lakbayin,” ang sambit ng persona, bilang penultimang hikayat sa mga kasama. Balintuna itong higit na nagpaparikit, kaalinsabay ng pagningning ng kahulugan ng tamuneneng sa tula. Sa layo pa higit na nahuhumaling ang persona, kaysa sa malapit—na ayaw pang tunguhin. May sinasabi ito hinggil sa kalikasan ng pakikipagsapalaran, at sa mga pagpili (may kasama man o wala). Ang pakikipagsapalaran ay pagsukat sa sarili, at ang mga pinipiling paglalakbay (mga sangandaan ang tawag dito ni Robert Frost) ang nagpapalinaw sa palad nitong sarili. Kaya maaari ring basahin ang katuturan ng tamuneneng bilang siya ring palad na hinahagilap habang naglalakbay: kung arketipal o mitikong pagbasa’y maaaring isinasagisag ng tamuneneng ang mismong buod ng katuparan ng lahat ng mga inaasam-asam ng manlalakbay bilang tao. Higit na kumukinang tuloy ang mga linyang “kaya pala gayon ay si tamuneneng,/ nasa aking puso’t doon humihimbing”, at nasa panggitnang bahagi pa ito’t halos daanan lamang ng salaysay. Nakatuon pa rin kasi siya sa pagdatal na muli sa pinamumuhatang iniisip na kinalalagyan pa rin ng tamuneneng. Hindi nga kaya nasa puso na niya at doon lamang nahihimbing ang tamuneneng? Kapag nagising na ito, baka magising na rin ang nakipagsapalaran at sa wakas ay matagpuan ang inaasam na tunay na sarili. Ang paggising mula sa pagkakahimbing ang nagpapakita sa atin na maaari ngang ang tamuneneng dito’y binhi ng pagkamulat ng persona-bilang-manlalakbay. Mamumulat lamang ang kaniyang kamalayan matapos ang matagumpay na pakikipagsapalaran.

Disyembre 21, 2011

Proyekto Siyento: 100 Araw, 100 Tula: Eros

Ang Sabi Ko Sa Iyo

Bumalong ang dagta
sa hiniwang kaymito.
Namuo sa talim
ng kutsilyo ang ilang patak.
Diyan ako naiwan, mahal,
at hindi sa laman.

Benilda S. Santos

Lantay

Sa pinakasulok ng katahimikan
Nagaganap ang pagtatalik.
Naroon ang apoy sa palad
At ang panalangin ay mga rosas
Na marahang-marahang lumalapag
Sa puyo nitong dibdib,
Mamumuo ang init
Sa puspos na halik,
At sa mariing pagpikit,
Pupulandit ang liwanag
Ng pula sa tinik.

Rebecca T. Añonuevo

Minsan na akong tinanong sa isang antolohiya ng erotika, kung saan napabilang ang isa sa aking akda, kung papaano raw ako nagsusulat ng erotika. Ngayong binabalikan ko ang aking sagot na “sinisimulan ko sa aking katawan,” nanghihilakbot ako sapagkat halos hindi ko pa pala talaga naisasakataga ang ano mang anyo ng erotisismo sa alin man sa aking tula. Liban sa kuwentong iyon na napasama sa antolohiya, wala pa akong naisusulat talagang akdang “erotiko”, samantalang may pagpapakahulagan na ako sa dalumat nito bilang “mga akda na may kinalaman sa paghagilap ng katawan sa pinakarurok o kaganapan ng pag-aasam.” Sa pagninilay na ito, muli kong binabalikan ang kung papaano kong binalangkas kamakailan ang aking pagpapakahulugan sa erotika, at hindi ko muling maiwasang idawit ang ugnayang-klasiko nito sa Griyegong “Eros”, na pangalan din ng diyos ng pag-ibig. Ngunit dahil nga nagsisimula talaga ito sa katawan, nasisiyahan akong muling pagtabihin ang dalawang tulang naririto, ang “Ang Sabi Ko Sa Iyo” ni Benilda S. Santos, at “Lantay” ni Rebecca T. Añonuevo, na noon pa ma’y binabanggit ko nang matitimpi’t mahuhusay na halimbawa ng paghahayag ng sinasabi kong “pinakarurok o kaganapan ng pag-aasam”. Dalawang babaeng makata na may pitak sa puso ko sina Santos at Añonuevo dahil dalawa sila sa mga kauna-unahang inaral ko bilang nagsisimulang makata. Hindi ko alam kung bakit. Hindi man ako nakapagsusulat pa ng masasabing “erotikong” tula, naituro sa akin ng dalawang makatang ito ang kung papaanong sinisimulan sa katawan ang paglalahad sa mga pinakakukubling danas at intimidad—na pawang tinatangkang saklawin ng poetikong danas. Madaling ihanay ang mga tulang ito sa “erotika” sapagkat kapwa nila tinatalakay ang pagtatalik bilang danas-kaganapan. Ngunit ang nagbibigay ng kakaibang anyubog sa maiikling tulang ito ay kung papaanong ipinagdiriwang ng dalawang tula ang katawan—ang katawang babae—bilang altar ng pagnanasa. Kapwa dumaranas ng masasabing rurok ang mga katawang-babae rito sa kanilang pagtamasa sa malinaw namang talim ng mga phallic na sagisag—ng “talim” na ipinanghiwa sa “kaymito” ng tula ni Santos, at ng “tinik”, na pinagpupulanditan ng “liwanag/ng pula”. Nakamamangha ang ganitong pahiwatig ng dalawang makatang babae at kapwa nila matagumpay na nakakasangkapan ang sinasabi ngang “objective correlative” (paggamit sa isang kongkretong bagay na maaaring kumatawan sa damdaming nais na ipahayag sa tula), upang itanghal ang lihim na ligayang sumisikdo sa kanilang pakikipagniig sa iniibig.

Ang kay Añonuevo ang tuwirang nagbabanggit ng salitang “pagtatalik”, at dito sa kaniyang tula naipamamalas ang pagsamba mismo sa katawang-babae bilang banal na lunan ng pagnanasang walang nagmamay-ari kundi ang may katawan. Hindi halos natin madama ang presensiya ng katawang-lalaki, at halos pinatatahimik ito (marahil dito nga pumapasok ang politika ng kasarian sa matulaing dinamiko) sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa sinekdoke (ang “palad” ng mangingibig, kung saan nag-aalab ang “apoy”). Hindi ito kung gayon hinggil sa rurok na nadarama ng lalaki sa panahon ng pagtatalik, kundi sa rurok na inaasam ng babae habang hinahaplos, iniirog, sinasamba siya ng minamahal. Ang pagdiriwang na ito sa katawan ng personang naglalahad [tinutukoy niya ang katawan sa linyang “sa puyo nitong dibdib” (akin ang diin)] ay higit na umiigting sa paggamit ng bumibigkas sa natatanging mga talinghagang halos sumakop na sa pagka-sa-ibang-daigdig ng alindog at libog na lumulukob sa kaniyang katawan: “At ang panalangin ay mga rosas/ Na marahang-marahang lumalapag/ Sa puyo nitong dibdib”; “Pupulandit ang liwanag/ Ng pula sa tinik”; maging ang simulang, “Naroon ang apoy sa palad.” Magiit ang panghalip na pamatlig na nito sa “sa puyo nitong dibdib” dahil ang lahat ng mga nabanggit ay doon nagaganap sa kaniyang katawan, maaari, kasama na ang “pagtatalik” na nagaganap “(s)a pinakasulok ng katahimikan” Maaaring mapagkamalang autoerotiko ang tula (bagaman may paggigiit din ng kapangyarihan ang gayong pag-iisa na maaaring tukuyin sa dalumat na “katahimikan”) dahil nagpapanukala ito ng panibagong pagtingin sa dinamiko ng babae at lalaki sa kama. May kahiwagaan ang konpigurasyong pinili para sa bumubigkas sa tula, at itinatatag nito ang halos hindi nagpapahuling halinghing ng kaganapan ng nagmamay-ari ng katawan. Sa ganito maaaring tingnan ang erotisismo ng tulang itong muli at muling bumabalik sa diskurso ng kaakuhan at kasariang hindi basta-basta nagpapakulong sa ano mang pagtataya, kahit sa usaping pangkama. Inilalarawan ang misteryo ng katawan, hindi bilang ekstotikong species kundi pagkataong higit pa sa nasasalat, nayayakap, naaari: hindi basta-basta naaangkin at nagpapaangkin.

Si Santos naman ay nagpapahiwatig, nagpapaliwanag sa pamamagitan ng isang mabunying ilustrasyon ng pagtatalop at maya-maya pa’y pagkain ng kaymito. Imahen ang ipinamamalas sa atin, sa halip na mahiwagang pahayag. Napakapayak ng larawan kung mamasdan—“Bumalong ang dagta/sa hiniwang kaymito”; at “Namuo sa talim/ang isang patak.” May bahid ng imahenismo ang tulang ito, na nagtutuon ng pansin sa kapangyarihan ng larawang susuysuyin ng isang matalinghagang pangungusap: “Diyan ako naiwan, mahal,/at hindi sa laman.” Maraming paraan ng pagtitig sa tekstong ito na maaaring magbigay-diin sa “erotikong” katangian nito—masdan na lamang halimbawa sa isang “semiotikong” sistema ang konpigurasyon ng “dagta”, “hiniwa”, “talim”, at “patak”, na lalong nagiging malagkit (kasinglagkit marahil ng dagta ng kaymito) kapag inihanay na sa “mahal” at “laman”. Lahat nang ito’y masasabing tumutukoy sa ipinahihiwatig na pagdako ng lalaki sa pagkababae ng may katawan. Madulas ang pagkakadalumat ni Santos sa tulang ito, at napakahirap mawari ang tunay na pangyayari sa tula—tinimpi nito ang narasyon na uminog lamang sa imahen, at sa sinasabi (ang pamagat, tandaan, ay “Ang Sabi Ko Sa Iyo”). Bagaman alam natin na ang sinasabi nga talaga ng tinig dito ay “Diyan ako naiwan, mahal,/ at hindi sa laman,” maaari pa ring umalingawngaw ang tanong na ano nga ba talaga ang sinabi ng persona sa kaniyang “mahal” hinggil sa hiniwang kaymito? Maaaring maging susi natin ang pagbabalik sa katawan bilang lunan ng pagnanasa: ang katawan bilang presensiya, sa kabila ng tila ba marahas na pagdako (ang pandiwang tiyak na nababagay maging sanhi ng paghiwa at pagbalong ng dagta), ay nananatiling buhay, sa kabila ng “pagpasok” ng pigurasyong lalaki. Iyan marahil ang sinasabi ng “Diyan ako naiwan, mahal,/ at hindi sa laman”, na naroroon siya sa sumugat sa laman (at hindi sa nasugat na laman), sa maaari’y phallic na sagisag na nagmamalaking sumasakop sa kalooban ng may katawan. Kakatwang isiping ang imahen ng dagta’y madalas na pinandidirihan at kung maaari’y hinuhugasan kaagad dahil ito’y matagal kung manikit (ito ang ayaw natin sa mga bungang-kahoy—nagdadala ito di lamang ng lagkit, pati na rin bahid). Mukhang nagbababala na pala ang persona, lalo’t kung babalikan ang pamagat na “Ang Sabi Ko Sa Iyo”, na hindi nga ba isang pahayag ng isang nakapagpatunay sa haka? May “mapanakop” at “makapangyarihang” bisa ang dagta sa talim na humiwa sa kaymito, na ginamit na tanda sa katawan, o katawang-babae para sa tula. Nakikipag-isa ito sa kadaupang-palad na katawan sa pamamagitan din ng pananakop nito rito (ang dagta kung gayon ay marka ng kaniyang panlulukob!). Tulad ng katawan sa tula ni Añonuevo, iginigiit ng katawan sa tula ni Santos ang lantay na kakayahan na maging kaisa at kapantay ng babae sa larangan ng ugnayang-pantao at ugnayang-sekswal sa heterosekswal na kaayusan. Senswal ang mga tula dahil binabalikan nila ang primal na mga birtud ng katawang-babae upang supilin ang mga mapaniil na pagtataya rito. Sa isa pang tula ni Añonuevo, sasabihin niyang “mabuti na lamang at sa panahong ako ito/ipinanganak na babae.” Sa ngayon, ang erotika, bago maging erotika, ay nangangailangan muna ng masidhing kaalaman at kamalayan hinggil sa katawan—na tunay namang ipinamalas ng mga tulang ito. Isa pa, hindi lamang din ito pagkasangkapan sa katawan bilang kasangkapa’t ahensiya ng katuparan ng pagnanasa (kung ito ang hanap natin sa pagbabasa, magtiyaga na lamang sa porn). Lalo na, hindi lamang ahensiya ng katupdang ito ang katawang-babae, na malaong naging sentro ng obhektipikasyon sa larang ng sining, lalo sa kamalayang Kanluranin. Sa tula ni Añonuevo, muling pinalalantay ang danas ng rurok sa pamamagitan ng pagdiriwang sa katawan, hindi lamang bilang paraiso ng mangingibig, kundi lalo na, paraiso ng sarili; kay Santos, iginigiit naman ang rebisyon sa dinamiko ng pagtatalik, at ipinamamalas ang kung papaanong nagagapi din mismo ng babae ang pagtatalaga sa kaniya sa espasyo ng pag-ibig at lunggati ng phallocentrismo, ang tiraniya ng pagkalalaki.

Disyembre 20, 2011

Proyekto Siyento: 100 Araw, 100 Tula: OFW

From Saudi with Love

Kumusta na minamahal kong kabiyak,
Okey ba ang grades ng ating mga anak?
Ang aking Junior, nagba-basketball pa ba?
Si Anna, tiyak na siya ang Reyna Elena
At hinangaan noong Flores de Mayo,
Kumusta na si Kumpareng Serapio?
Kumagat siya sa kumalat na tsismis
Na kumaliwa ang kanyang misis
Kaya nagkunwari siyang tinotoyo
Sa araw-gabing pagsubo ng pako.
Ako tuloy ang napilitang tumanggap
Ng extension sa kanyang pagtuwad,
Ayos ba ang padala kong colored TV?
Nadale ko iyon sa raffle. Ano’ng sabi
Ni bayaw sa collection ni Springsteen?
Akala ko, makabayan siya, ba’t humiling
Ng imported? Teka nga muna, mahal,
Ano’t dumalang ang iyong liham?
Hindi ako bilib sa voice tape ni Inang
Na naloloko ka sa bagets na kapitbahay,
Alam mo naman ang hirap ng buhay dito…
Nakasosora na ang manok na elado,
Oo, may ubas, kahel, at mansanas.
Pero iba talaga ang Pilipinas.
Mula nang ilipat ako dito sa Riyadh
At wala nang balitang natanggap
Mula sa iyo at sa ating mga anak,
Laging alboroto ang aking utak.
Sa homesick, natukso ako sa beauty
Ng misis ng aking among Arabe.
Patawad. Huling liham ko na ito.
Sa Biyernes, pupugutan ako ng ulo.

Ariel Dim. Borlongan

Kapag binibigkas ang “From Saudi with Love”, tiyak sa ilan ang sagitsit ng pagbabalik-gunita ng minsang naging programa sa radyo ni Rey Langit. Hindi lamang siguro naaalala ng nakararami. Ngunit ang programang iya’y wala na (yata) sa eyre at sa iba’t iba nang pamamaraan nakikipagdaupang-palad ang mga kapatid nating manggagawa na nasa ibang bansa. May internet na rin kasi. At roaming. Hindi na kailangang tumawag o lumiham sa kanino mang Rey Langit para makipag-ugnayan sa mga naiwang minamahal o kamag-anak. Ngunit may panahong kailangan ng mga tagapamagitan upang maipaabot lamang ang mensahe ng pangungulila: ito ang itinutula ng “From Saudi with Love” ni Ariel Dim Borlongan, isa sa pinakamahuhusay na makata ng kaniyang panahon (dalawang ulit siyang Makata ng Taon sa Talaang Ginto). Mahalagang tula ni Borlongan ang “Saudi” sapagkat tinatalakay nito, sa halos makabayaning paraan—at sa paraan din ng heroic couplet o dalawahang tugma kada pares ng taludtod—ang malungkot na palad ng maraming Overseas Filipino Workers na madalas dinadalaw ng lumbay at kamalasan (marahil ay OCW o overseas contract workers pa ang tawag sa mga ito noong panahon ng pagkakasulat ng tula). Kung ngayong mga panahong ito’y binabalot tayo ng hilakbot sa tuwing maririnig ang sinasabing di-iilang OFW ang umuuwing nakakahon araw-araw dahil sa mga di maunawaa’t maipaliwanag na dahilan, muli at muling iginigiit ng persona ni Borlongan na noon pa ito nangyayari—kung gayon bakit nga ba walang magawa? Huwag nang ipagtatanong pang muli kung bakit kailangan pa talagang maghanap-buhay nang malayo sa pamilya; wala talagang magawa ang pamahalaan. Sa tulang ito, nag-uultimo adios ang persona na parang si Rizal, nangangamusta pang kunwari sa simula, ngunit sa bandang gitna’y nagpapahiwatig ng mga hinaing habang nasa malayo. Sa huli, isang kumpisal ang kaniyang gagawin na halos makapagot-ulo: literal na pupugutan siya nang ulo “sa Biyernes” dahil sa kaniyang kapusukan. Wakas.

Himig ang pinakamahusay na kasangkapan ng tulang ito na nakasilid sa halos intrikadong anyo nitong may humigit-kumulang 12 pantig kada taludtod (sumusunod sa padron ng awit—ay anong lamentasyon!). Dahil lumiliham, mahusay na nakasangkapan ang estrukturang epistolaryo—kinukumusta sa simula ang sinusulatan, at ang mga anak, pati na ang mga nakapaligid na kamag-anak, na ang isa’y biniro pang “Akala ko, makabayan siya, ba’t humiling/ Ng imported?”. May balita pa siya mula sa iniwanang bayan kaya nakakapagsingit ng mga hinanakit na tulad ng “Hindi ako bilib sa voice tape ni Inang/ Na naloloko ka sa bagets na kapitbahay”. Dumudupilas ang mga ito sa kaniyang bigkas-sulat habang iginigiit sa sarili ang katotohanang kailangan niyang magtiis: “Alam mo naman ang hirap ng buhay dito…” Kuhang-kuha ng pagtatala pati ang mga pagkasawa niya sa araw-araw na buhay habang malayo sa mahal sa buhay. May pagkaumay na sa mga pagkaing madalas ay inaasam-asam ng mga naiwan, at para bang halos napaparam ang buhay sa masustansiya sanang diyeta ng putahe’t produktong imported. “Pero iba talaga ang Pilipinas,” wika ng persona, at unti-unti na ring napaparam ang kaniyang sandaling maghayag ng mga “huling salita”. Sa trahedya, ang tawag sa mga sumunod sa paglalahad sa tula ay rebelasyon, at sinasabi sa atin nang halos wala nang kabuhay-buhay ang pangyayari ng pagtataksil, dala ng pagiging “homesick” ng persona. Kung recording ito, tulad ng madalas na napapakinggan sa programang “To Saudi with Love”, maaari nating isiping baka ito na ang bahagi ng lubhang hagulgulan—sa kapwa nangunumpisal at sa nakikinig, mga nosyonal na himig. Ngunit bilang isang tala ng pagbubukas-loob/pagbabalik-loob, halos wala na itong buhay dahil parang naglalakad na bangkay na rin ang persona. Ang bisa ng tulang ito ay pinamamahalaan ng marurubdob na bigkas-imahen, na tumitindi, matapos ang mahusay na balangkasan ng pagsasabi, sa pagdating ng linyang: “Sa homesick, natukso ako sa beauty/ Ng misis ng aking among Arabe./Patawad.” Saka niya bibigkasin ang, “Huling liham ko na ito.” Marubdob, ngunit matipid ang lahat ng pagtatangkang muling makipag-ugnayan, lalo’t sa huling pagkakataon. Sentensiyado na ng panahon ang persona. Sinentensiyahan din ang matulaing damdamin upang maging matimpi.

Papaano ba hinaharap sa tula ang ganitong trahedya? Ang makata’y tila ba kailangang katawanin ang animus ng danas upang ganap na mabigyang-buhay ang isa nang lumipas na tinig, upang maging makatotohanan sa paglalahad. Ang kahusayan ng tulang ito’y nasa masinsing pagsasabi at pagpapahiwatig, na kung hindi iingata’y magiging buhaghag at walang kawawaan. Ngunit ano ang posisyon ng makata sa tuwing tinatalakay niya ang ganitong mga trahedya, lalo ngayong daang OFW ang nakapila sa iba’t ibang death row ng maraming bansa dahil sa kanilang pagiging drug mule? Pinoproblema rin dapat ng makata ang kaniyang tugon sa mga pangyayaring ito—at marahil, maimumunakalang nang mga panahong isinusulat ni Borlongan ay may pagninilay na din mula sa kaniyang mga kabaro hinggil sa maaaring maging romantisasyon ng danas ng paghahanap-buhay malayo sa pamilya, at ang mga kaakibat nitong peligro. Muhon ng pagtalakay sa danas-OFW ang tulang “From Saudi with Love”, hindi lamang dahil (bagaman nakalulungkot) marami pa ring Filipino ang dumaranas ng ganitong palad—at marami pang dadanas nito dahil sa mga kailangang batahing hirap, maiahon lamang ang pamilyang naiwan sa Filipinas. Muhon ito ng patuloy na pagtalakay, lalo na, ng pakikisangkot ng sining sa mga usaping ito na hindi dapat nagaganap, kung may sapat lamang na mga oportunidad para sa lahat dito sa ating bayang sawi. Matagal nang namimighati si Balagtas dahil sa “kaliluhang siyang nangyayaring hari” sa ating bayan—na siyang dahilan naman ng paglisan ng marami sa atin. Magandang dalumatin ang ipinahihiwatig ng tulang ito bilang isang liham na hinding-hindi dapat matanggap ng sino mang matinong pamilyang Filipino. Bilang tala, patotoo ito sa maraming pagkakataong tinatalikdan ng kinauukulan ang sarili nitong mamamayan. Ang tulang ito ang mapait na kasaysayan ng OFW noon at ngayon. Sana, bukas, hindi na.

Disyembre 19, 2011

Proyekto Siyento: 100 Araw, 100 Tula: Bagyo

May bagyo ma,t, may rilim
ang ola,y, titiguisin
aco,y, magpipilit din:
aquing paglalacabayin
toloyin cong hanapin
Dios na ama namin.

Cun di man magupiling
tocsong mabaomabaoin,
aco,y, mangangahas din:
itong libro,y, basahin,
at dito co hahangoin
aquing sasandatahin.

Cun dati mang nabulag
aco,y, pasasalamat,
na ito ang liuanag
Dios ang nagpahayag
sa Padreng nagsiualat
nitong mabuting sulat.

Naguiua ma,t, nabagbag
daloyong matataas,
aco,y, magsusumicad
babagohin ang lacas;
dito rin hahaguilap
timbulang icaligtas.

Cun lompo na,t, cun pilay
anong di icahacbang
naito ang aacay
magtuturo nang daan:
toncod ay inilaan
sucat pagcatibayan.

Una Persona Tagala

Hindi ko maiwasang idawit ang tulang ito sa pagninilay sa taunang pagdalaw ng mga bagyo sa Filipinas—at kahit Disyembre na ay wala pa rin tayong ligtas! Marahil ay noon pa mang isinulat ito bilang papuri o blurb sa aklat na Memorial dela Vida Cristiana en Lengua Tagala ni Fray Francisco de San Jose, ipinamamalas na ang likas na inog ng panahon sa bansa, na siya namang mahihinuha sa tradisyon ng ating panulaan, magmula pa sa kapanahunan ng tanaga, diona, dalit, at bugtong. Malapit sa ating sinaunang kamalayan ang kalikasan, kaya’t hindi na nakapagtatakang nakatuon ang ating matulaing pag-iimahen sa mga penomenong pangkalikasa’t pangkapaligiran. Sinasabing ang tulang itong kilala na ngayon sa palathalaan bilang “May Bagyo Ma’t May Rilim” ang kauna-unahang limbag na tula sa bansa, at patuloy nitong inaalingawngaw ang siklo ng mga panahong salamin din ng pang-araw-araw na buhay ng sinaunang mamamayan. Kilala ring “una persona tagala” ang sumulat nito, bagaman walang tiyakang pangalan at katauhan; ang tiyak lamang, may kamalayan ang sumulat nito hinggil sa maaaring salaminan ng pamumuhay ng lunan, na maaaring pagkunan ng kaniyang hulagway, upang ipahiwatig ang pakikipagsapalaran ng tao sa kaniyang bagong pananampalataya. Sa kaniyang tula at pagpupugay sa “Padreng nagsiualat/ ng mabuting sulat”, nagkaroon ng bagong dalumat ang bagyo: isa na itong talinghaga ng buhay na sakdal ng pagsubok at karupukan, isang buhay na itinutuon upang mahanap ang “Dios na ama namin.” Ang tulang ito ang masasabing kauna-unahang nagtalaga sa ating estropa ng malaong binabanggit na “malungkuting salamisim”—dito unang inilathala ang matapang na pagtingin sa pagsubok ng buhay bilang pagpapatatag ng sariling bait at kabutihan. Bago ang Pasyon ni Gaspar Aquino de Belen, naunang di hamak ang tulang ito sa paglalarawan sa ating buhay bilang walang hanggang pagbata sa hirap, sa isang laksang lumbay na kakatawanin di maglalaon ng pigura ni Kristo. Basahin sa makabagong anyo: Ang ula’y titigisin, ako’y magpipilit din, aking paglalakbayin…Gagawin ang lahat nang ito, may bagyo ma’t may rilim. Nirebisa ng bagong pananampalataya, at maging ng tula, ang nakamihasanang tingin sa bagyo—binihisan na ito ng bagong pagbasa, at wari’y naikintal mula noon sa ating malay ang pagturing sa buhay bilang mabagyong paglalakbay at sa huli’y pagtamasa sa kaligtasan.

Itinatanghal din nito ang nangyayari sa isang katawan habang naglalakbay sa unos ng buhay: “Cun di man magupiling/tocsong mabaomabaoin,/aco,y, mangangahas din”; “Cun dati mang nabulag/ aco,y, pasasalamat,/ na ito ang liuanag”; “Cun lompo na,t, cun pilay/anong di icahacbang/naito ang aacay/magtuturo nang daan”. Ang dikotomiya ng kalikasan-tao ay higit na pinaiigting ng tulang ito dahil nagiging kongkreto ang mga salik na maaaring maging dahilan ng ikapapahamak ng nagsasalita-bilang-katawan, maging ang mga tugong pandiwa. Sa malay ay may pangangahas, kaya’t naitutulak na silayan ang maaaring nakabubulag na liwanag. At walang ano mang makahahadlang sa pagtuklas ng persona sa katotohanang dulot ng bagong pananampalataya. May pag-asa sa bawat salitang naisatitik sa aklat ng Padre at iyon ang magiging “timbulang icaligtas” at “magtuturo nang daan”. Kasiya-siya ang tulang ito, sa kaniyang sariling pag-iral, sapagkat hindi lamang muling minamalas ang katutubong kalikasan; naririto ring binibigyang-diin ang sariling relasyon sa katawan-bilang-sarili na bahagi ng mas malawak na sangkalupaan. Kung sa matandang Kristiyanong pananampalataya ay pinaniniwalaang sisidlan ng dumi ng kasalanan ang katawan, iginigiit ng tula ang halaga ng katawan bilang ahensiya ng danas at pananaw-sa-daigdig. Nagkakaroon ng saysay ang pagpapakahulugan sa buhay-bilang-bagyo dahil dama at iniinda ng katawan ang bawat pagsubok. Ang paggupiling sa tukso ay isinasakatuparan ng katawan; ang pagtanaw sa liwanag ng Krus ay pumapawi sa kaniyang pagkabulag. Ang bagong lakas upang sumikad mula sa “daloyong matataas” ay naroroong matatagpuan sa kaibuturan ng laman; ang paghakbang ay isang desisyon ng mobilidad na nagpapaganap sa kakayahan ng katawan. Sa katawan sinusukat ang tatag ng paniniwala, ang tunay na katotohanan. Kung sa dalit ngang “Ang sugat ay cun tinangap/ di daramdamin ang antac,/ ang aayao, di mayag/ galos lamang magnanacnac”, ay sinisikap ipaunawa ang halaga ng pagtanggap sa pagsubok; ang “sugat” ay eksternal at maaaring kumatawan sa lahat ng mga pampaligid na elementong maaaring magbigay ng sákit sa tao. Ang pagdalumat sa katawan sa ating kultura kung gayon ang isang malinaw na patunay ng kung papaano tayong lantay na dumarama sa danas ng paligid, gaano man ito kalupit. Ang danas kailanman ay hindi isang abstraktong ideya kundi isang buháy na patunay: isanasabuhay natin ang danas gamit ang buo nating katauhan.

Ito marahil ang masasabing malaking kaibhan natin sa Kanluraning pagmalas sa sitwasyong pantao. Naaalala ko tuloy ang “Musee de Beaux Arts” ni Auden at kung papaanong umiiwas ang lahat sa pagbaling sa isang bumubulusok na dusa (ang kay Icarus). Sa palagay ko, hindi lamang natin ito dinudulog, bagkus, isinasakatawan pa—kaya nga siguro kailangang bigyang linaw na rin ang kung papaano talaga natin uunawain ang “significant human experience”, at “the human condition” na pawang mga Kanluraning balangkas sa pagtingin sa danas-pampanitikan. Kung sa mga akdang Kanlura’y may paggigiit sa kamuntian ng tao sa anong lakas na puwersa ng kalikasan, kaisa ng katawang-Filipino ang kaniyang kalikasan dahil ang dinamiko ng dalawa’y nasa anyo ng pagbasa: inuunawa ng tao ang kaniyang paligid bilang isang kamalayan, at ipinadaranas ng kalikasan ang buo niyang sigwa at kariktan sa iba’t ibang bahagdan at sarikulay. Ito rin marahil ang nagpapadali sa atin na mamalas ang buhay bilang danas, at hindi parusa ng Diyos, na tiyak na tinangkang ipalunok sa atin ng mga mananakop ngunit mukhang hindi ganap na naisakaluluwa. Kristiyanisado na ang tulang ito, oo, at may bagong pagbasa hinggil sa “bagyo” at kaakibat nitong “rilim”; ngunit hindi nabura sa anyo nitong sekstong may sukat na piputuhin at monorimang tugmaan sa bawat saknong ang kamalayang sinauna na walang pagkasindak sa kapanyarihan ng kalikasan at nagpapatuloy lamang sa mga piniling mga paglalakbay. Binabasa ko ang tulang ito at nakikita kong lumalagpas ito sa hanggahan ng kaniyang pagpupugay sa mga itinalang wika ng kaligtasan; isa itong tula na nagpapagunita ng ating likas na kaisahan sa paligid, at kabatiran sa bawat kibot nito—kung hindi’y papaanong mangyayari ang “anong di icahacbang”? Di bale nang may sanda-sandaling pagkaantala, marating lamang ang “Dios na ama namin”. Sabihin nang tila ba itituturing na kaaway o kalaban ang bagyo’t rilim dito, sa paglalarawan sa Memorial bilang paghahanguan ng “aquing sasandatahin”. Kapusod ng may katawan ang kalikasan at ang pananandata rito’y maaaring sagisag ng kaniyang kabesadong pagdanas sa mga inog nito. Isa itong sining ng pakikidigma na nakatanim sa kabatiran: hindi nanghuhula ang may katawang-Filipino dahil nababasa niya ang paligid, kahit na sinusubok nito ang kaniyang buhay. Ubusin man ng mga bagyo ang alpabeto’y bumabangon ang Filipino; may pagkarimarim sa mga naiwang pagkawasak, ngunit siklo itong binabalik-balikan at pinagbabangunan. Laging ipinagtataka ng mga taga-labas kung bakit para bagang napakadali para sa mga Filipino ang muling itindig ang sarili matapos indahin ang bagyo. Sa “May Bagyo Ma’t May Rilim” ay iginigiit na ang sitwasyong pantao sa Filipinas—timbulan ito ng tibay, na kung minsan nga’y hindi rin kagandahan sapagkat nagiging romantisasyon na lamang ng birtud ng pagtanggap at kakayahan. Mabuting balikan ang pinamuhatan ng tulang ito—ang aklat—na maaaring konstrak din ng karunungan. Baka kailangan din nating matuto, talagang-talaga na, sa mga bagyong ito upang hindi naman tayo lagi na lamang ginigitla ng unos at iniiwang pawang mga basang sisiw na nanlilimos. Hindi sapat ang maging matibay, at hindi rin naman sapat na umasa na lamang sa Bathala. Sa tulang ito, kitang-kita natin ang malay na pasya ng may katawan upang iligtas ang sarili. Nasa may katawan talaga.

Disyembre 18, 2011

Proyekto Siyento: 100 Araw, 100 Tula: Ang Lumang Simbahan

Mula sa Ang Lumang Simbahan

Sa isang maliit at ulilang bayang
Pinagtampuhan na ng kaligayahan,
Ay may isang munti at lumang simbahang
Balot na ng lumot ng kapanahunan…

* * *

Sa lumang simbaha’t sa kampanang basag
Ay may nagtatagong matandang alamat,
May isang matanda akong nakausap
Na sa lihim niya’y siyang nagsiwalat;
Ang Lumang Simbaha’y nilimot ng lahat,
Pinagkatakutan, kay daming nasindak,
Umano, kung gabi ay may namamalas,
Na isang matandang doo’y naglalakad…

Florentino T. Collantes

Ang Unang Sulyap sa Taong 1967

Ang mga tao’y
Uod sa bunganga ng simbahang-Quiapo—
Isang uri ng natungkab na nitso;
Sa loob,
Naaagnas na bangkay
Ang bawat pari at santo.

Lamberto E. Antonio

Isa sa pinakiibig na paksa sa sining ang Simbahan, ang estruktura, at sa Filipinas, tinalakay ito sa di iilang pagkakataon sa iba’t ibang anyo tulad ng sa tula. Kay Florentino Collantes, halimbawa, isang lumang simbahan ang malaong kinatakutan dahil sa kababalaghang ipinamamalas nito sa mahabang kasaysayan. Isang mahabang kasaysayan ang itinanghal ng “Ang Lumang Simbahan”, na nagtapos sa aksidenteng pagkakadiskubre ng isang kabang yamang nakalibing sa harap ng altar ng Birhen. “Aksidental” ang pagkakadiskubre dahil magpapatiwakal na sana ang dalawang mangingibig na pinaglalayo ng kanilang mga pamilya–ang babae’y mulang mayamang pamilya, ang lalaki nama’y “isang magsasaka”. Ang lumang simbahang minsa’y “balot na ng lumot ng kapanahunan” ay “ginawang bago” kaya’t “ang lahat ng tao’y nangagsipagdiwang.” Tila naglaho ang ispektro ng “matandang doo’y naglalakad” at “ang suot ay puti’t may apoy sa bibig,” maging ang sindak na dala ng “kampanang basag na bahaw na bahaw”, na minsang madaling-araw ay nagpatugtog ng “agunyas ng patay”. Makahulugan ang pamagat na “Ang Lumang Simbahan”, at tila ba kinakatawan nito hindi lamang ang istruktural na kalumaan, pati na rin ang herarkikong kalumaan na nagmumulto rito. May kahiwagaan ang sindak na dala nito sa maraming tao sa tula ni Collantes, at malaong iniwasan ang espasyo dahil sa “lagim” na kinakatawan nito. “Ang Lumang Simbaha’y ayaw nang pasukin;/ Taong naglalakad sa gabing madilim/ Ni ayaw sumagi, ni ayaw tumingin.” Nagkaroon nga lamang ng didaktisismo sa huling bahagi ng tula dahil ang siste pala’y nakaugnay pa rin sa pagsangguni sa Bathala, “kung magkabisala”: “Sa awa ng Diyos nagtatamong pala.” Ang Simbahan pa rin kung gayon ay nagkakahalaga dahil sa ito ang puwang ng pagdulog para sa lahat ng kaluluwa.

Marahil tulad ng pagsunod sa anyo ng panahon, at panahon ng anyo—oktabang monorima bawa’t saknong, at linyang lalabindalawahi’t may sesura sa ikaanim na pantig, sa balangkas na nagsasanib sa patanghal at pasalaysay, sinusunod sa tula ang pagpapahalaga sa istruktura ng Simbahan bilang sagisag ng biyaya. Ngunit kaipala’y kakailanganing balikan isa-isa ang pagkakakonpigurasyon sa Lumang Simbahan bilang puwang ng kolektibong takot. Tumitibok mula sa mga imahen ng “isang malaki’t basag na kampana”, “puntod ng libing sa harap ng altar”, at “multong natagpuan,/Ang suot ay puti at nakabalabal”, ang pagiging kabukod ng lunang ito, imbes na sentro o pangunahing edipisyo—na tiyakang panunuligsa sa pook ng Simbahan sa malaong buhay-Filipino. Nagtapos ang tulang ito sa pagkakatagpo ng “daming salapi! Laking kayamanan,/Libo’t laksa-laksa…” na minsan nang iwinaksi’t pinaghahagis ni Kristo nang itaboy mula sa templo ng kaniyang ama ang mga tindero. Itong salaping ito ang nagligtas sa magpapatiwakal sanang magsing-irog, at naging sanhi ng pagbabagong-anyo ng simbahan at tuluyang pamumuhay sa ligaya at rangya ng dalawa, na siyang “unang nagpakasal” dito, matapos nila itong ipagawa’t “ipinabuo” pa ang “kampanang sira.” Makamundong yaman ang nagligtas sa Simbahang ito, na matagal na inakala ng mga tao bilang “puntod ng libing sa harap ng altar”—ito pala, sabi ng tula, ay ibinaong kayamanan ng “matandang Puno ng Tulisan” (ala Robin Hood). Maaari lamang tayong lumikha ng haka hinggil dito: hindi kaya yaman itong ibinalik lamang sa madla mula sa mapang-aping mga estrukturang panlipunan tulad ng Simbahan? Hindi tayo makatitiyak. Samantalang pinahahalagahan sa huli ang aral ng pagsangguni sa Bathala, tulad ng ginawa ng romantiko’t mala Romeo and Juliet na magsing-irog, tila ba ipinahihiwatig nito ang isang nakaririmarim na lagay ng konstrak na “Ang Lumang Simbahan” na tiyakan namang tumutukoy sa Simbahang Katoliko, at sa naging mga posisyon nito sa loob ng kasaysayan. Sa halip na maging tanggulan, naging pook pa ito ng di-makatwirang “katatakutan” na dapat talikdan (kamusta naman ang pagtutol sa RH bill, mga kaso ng pang-aabusong sekswal mula sa kaparian, at pajero bishops?).

Isang “Lumang Simbahan” pa ang maisusulat, ang sa Quiapo sa panahon ni Lamberto Antonio, na Quiapo pa rin naman sa ating panahon. Walang ipinagbabago. Ang pamagat ay “Ang Unang Sulyap sa Taong 1967”, isang panahon ng pakikibaka ng naghuhunos na mundo. Nakagigitla rin ang mga imahen ng mga taong pumapasok sa loob ng lumang simbahan (basahin: maaaring walang balak na magpapasok ng kabaguhan, makitid), na malinaw na kakontrapunto ng mga taong umiiwas sa at halos katakutan ang Lumang Simbahan ni Collantes. Sa tula ni Antonio, nagpapalamon ang mga taong “uod sa bunganga ng simbahang-Quiapo”. Mapagpahiwatig ang gatlang na nakapagitan sa ikalawa at ikatong linya, na tumutukoy sa “simbahang-Quiapo”—“isang uri ng natungkab na nitso”. Tinatapos ang pahayag na ito ng isang semikolon, at higit na sinusuhayan ng mga imahen “sa loob” ng simbahan: “Naagnas na bangkay/ Ang bawat pari at santo”. Matagal nang kinatakutang may puntod mismo sa harap ng altar ng lumang simbahan ni Collantes, at mukhang sa pagtatagpo ng dalawang tulang ito sa ating pagninilay, naging sandali lamang yata ang pagdiriwang sa mistulang bagong buhay na ibinihis sa simbahan, sa pagdiriwang ng pananagumpay ng pag-ibig. Dalawang uri ng “panatisismo” ang ipinamamalas sa atin sa dalawang tulang ito ng mga lumang simbahan—ang sa una’y pag-aanyo sa takot sa kapangyarihang saserdotal bilang mahiwagang paganismo; ang sa huli nama’y hungkag na pagsamba sa pag-asang malamig pa sa bangkay, na idinudulot ng “Ang Lumang Simbahan”. Ang mga tao bilang uod ang siyang ngangasab sa mga labi ng “naagnas na bangkay” na ito ng dakilang katawan ng pananampalataya. Minamahal ang Quiapo bilang isang sentro ng peregrinasyon at debosyon para sa Banal na Nazareno, at taon-taon, tuwing Enero, laging makapal ang tao na dumarayo upang ipagdiwang ang kaniyang pista at umusal ng mga panalangin. Biyaya ang espasyo ng Simbahan dahil ito ang sinasabing tahanan ng Maykapal—ngunit papaano nito nirerebisa ang “kalumaan”? Ergo, papaano ito tumutugon sa mga hamon ng panahon? Ano ang pook nito sa buhay ng mamamayang hindi lamang nito dapat binibigyan ng espiritwal na pag-asa, kundi inaaruga rin dapat sa buhay sa mundong ibabaw? Sa tula ni Collantes, ang katuparan ng langit ay hindi nagaganap sa kamatayan, kundi dito mismo, sa lupa ng pilak na ibinabalik sa mamamayan. Ang pilak na yaon ay pahiwatig ng lunan ng Simbahan sa pamumuhay ng mamamayan: may misyon itong tiyaking matuwid at makatwiran ang mga estrukturang nagbibigay-kaayusan sa tao, kundi’y patuloy na magiging “naaagnas na bangkay”, hindi lamang “ang bawat pari at santo”, kundi pati na rin ang mamamayang pinapastol nito. Dapat ay maging bukas na pinto ito, sa halip na natungkab na nitso, sa mga gabing ito ng mga pambansang pagkasindak at pagkalito.

Disyembre 18, 2011